Tuesday, May 17, 2005

blog..?

Aha. So ito pala yung ‘blog’ na sinasabi nila.

Wala naman kasi talaga akong net life. Minsan nage-email sa sarili ng files at term paper drafts. Naghahanap ng guitar chords at nagbubura ng inbox. Tumitingin ng porn at nagpapakagago sa friendster. Pero yung pagba-blog? Pass. Wala talaga akong pasensya sa internet. Maghintay ngang kumonek sa dial-up tinatamad na ako, magdownload pa kaya sa kazaa? Mag-chat? Mag-ym? Ragnarok? Kalokohan.

Ang dating sakin parang ang stupid na idea ng pagba-blog. Ano ba ang makikita mo sa mga blog? May mga papansin, mga nagkukunwari, nagpapa-cute, mga naghahanap ng escape o di kaya sobrang desperadong mapaganda ang mga tinginingining nilang buhay. Mga nagtatanong, nagbi-bitch fit, nag-iingay at nag-aangas sa mundong di nila magawang sumbatan nang harap-harapan. May mga ilan rin namang may sense talaga ang sinasabi, pero men, ba’t sa internet pa? Eh panay sira-ulo lang ang makakausap mo dito.

Sa dinami-dami ng mga blog at may-blog sa Pilipinas pa lang, para na rin nilang kinakausap ang mga sarili nila, except kumakain sila ng bandwidth. Kung anuman yung sinulat mo at kung gaano siya sa tingin mo ka-importante at meaningful para sa human race, ikaw rin lang ang magbabasa at makakaintindi nun.

Nung grade 6 may requirement kaming ‘journal’ sa Language. Kailangan naming magsulat sa isang 100 leaves na regular notebook buong schoolyear. Minsan may topic, minsan wala – bahala ka, anything goes, basta hindi labag sa doktrinang Kristiyano at sa umiiral na moralidad at pinaniniwalaang angkop na nalalaman ng 12year-old na bata. Ngayon ko nare-realize kung gaano ka-pathetic ang prepubescent years ko. Hindi lang ako naka-isa, kundi naka-apat (anim pa nga, kung bibilangin yung hanggang 2nd year high school) na notebook sa journal-journal na yan. Bagsak na nga sa math, journal pa rin. Katabi na nga ang crush, journal pa rin. Hindi na mabilang ang mga araw na nagkukulong ako sa kwarto at sa isip ko para magsulat.

Mahilig akong magsulat dati, mapa-tula, dula, kanta, kunwaring interview, kwento, sanaysay, love letters sa kaklase, hate letters sa guro, kahit ano nga tungkol sa kahit ano at kahit sino. Pag may naisip ako na hindi ko kayang ipaliwanag o sabihin at pakiramdam ko wala ring makakarinig o makakaintindi sakin, isusulat ko. At babasahin ko. Ako naman si tanga, matutuwa ako. Pakiramdam ko gumagaan ang mga problema ko, gumaganda ang mundo, at unti-unti, naiintindihan ko na rin yung mga bagay na akala ko ikababaliw ko. Pakiramdam ko lahat kaya kong sabihin, gawin, at dalhin basta may notebook, panulat, at oras. Iniiwan ko ang mga problema at kinakalimutan ko kung sino ako. Ang mga kaaway ko pinaluluhod ko. Ang mga crush ko pinapa-‘oo’ ko. Nagiging hari/MVP/superhero/MacGyver ako ng sarili kong mundo.

Pakshet talaga yung mga journal na yan. Dahil pinili kong maging astig sa make-believe na mundo, para tuloy akong timang sa tunay na mundo. Napag-iiwanan, sumasablay, palaging out of touch sa reality, OP, at auti. Hanggang paglaki ko dala ko pa rin yata yung residual effects ng panahon na yun. Mahirap pag sobrang iba yung perception mo sa sarili mo sa tunay mong pagkatao – doble hirap pa kung di mo alam na magkaiba nga. Pero good luck na lang talaga kung iba yung pinaniniwalaan mong gawi ng mundo sa tunay nitong takbo. Yung naniniwala kang wala kang dapat katakutan at mabait ang lahat ng taong makikilala mo, na ang lahat ng mithiin, hangarin, at pangarap mo’y natural na lang na magiging iyo.

Kaya ko tinalikuran ang pagsusulat at ang mga journal at pinili na lang maging uncultured at illiterate. Kaya ako natatawa/naiinis/naaawa sa mga taong nagpapakagago sa pagsusulat sa mga blog at forums. Sa mga taong masyadong in-love sa sarili nila, mga taong tinatakasan ang buhay nila, mga taong dakdak nang dakdak na para bang lahat alam nila o napaka-makabuluhan ng mga pangyayari sa buhay nila para malaman ng lahat. Isama mo na rin dun yung mga taong may alam nga tungkol sa kung ano man yung mali o problema pero dinadaan lang sa salita, pagpapa-cute, pagra-rant o pagtakas sa halip na harapin o gumawa ng hakbang para baguhin yun. Asar ako sa mga taong ganun. Kasi noon, at siguro kahit hanggang ngayon (medyo) ganun din ako.

Pero nami-miss ko na yung pakiramdam na yun. Yung meron kang mapagsasabihan ng mga saloobin at problema mo sa buhay. Parang may kausap, karamay, at kaibigan ka na tumutulong sayong umintindi at laging sayo kampi. Parang may sikreto kang tinatago at may lugar kang matatakasan para makakuha ng lakas sa pagharap sa araw-araw. Sa buhay ko ngayon na walang sigurado at wala akong maaasahan sa hinaharap kundi sakit ng ulo, naiisip ko na baka dumating ang panahong di ko na makikilala sarili ko. Gusto ko sanang bumalik sa buhay ko dati nung bata pa ako, pero ang loser naman nun.

Nami-miss ko na yung pakiramdam na nakukuha ko sa pagsusulat, at unti-unti, naiisip ko na kailangan at kakailanganin ko uli yun. Kailangan kong mahanap at makilala ang sarili ko, makakita ng pag-asa, matauhan, maliwanagan, at siguro (siguro lang) – mapakinggan.

Binabasa ko yung mga nasulat ko kanina, at napapansin kong bumabalik na ulit ako sa dati. Mahaba at nonsense na naman akong magsulat. Pero ayos lang. Matagal-tagal ko na ring di nakikita sa sarili ko yung nagiging natural at totoo. Blog ko ‘to. Ang lahat ng nandito, ako. Kung babasahin man ng iba, problema na nila yun. Basta wala na lang pakialamanan.

Paminsan-minsan rin lang naman ito. Pag may internet card at may oras na maghintay sa dial-up…

1 Comments:

Blogger The 365 Project said...

may blog ka pala. writer ka pala. nakakhiya naman ako. hindi ko alam. i guess, pathetic ngang mag-blog pero ok lang sa'kin maging pathetic sa pagsusulat. kesa naman maging pathetic sa pagmamahal.

-ida
http://mmmqx.blogdrive.com

8:09 AM  

Post a Comment

<< Home